Pages

Saturday, May 1, 2010

Sa Pagpatak ng Ulan...


Pinagmamasdan ko ang langit na nagsisimula nang pabigatin ng maiitim na ulap. Ilang sandali na lamang at papatak na ang ulan.

Tag-ulan na naman. Bawat patak ng ulan ay nagpapaalaala sa akin ng isang karanasang itinuturing kong isang napakalaking pagsubok sa aming pagkakaibigan ni Myzlie.

Magkapitbahay kami ni Myzlie. Sapul pagkabata, mula sa elementary hanggang sa tumuntong ng sekondarya, ay naging matalik na magkaibigan kaming dalawa. Sa oras ng problema, sa oras ng kasiyahan, maging sa oras ng kalokohan, palagi kaming magkasama. Naghihiraman ng damit, pera, papel, bolpen, notebooks, at lahat-lahat na. Nagtatapatan ng problema tungkol sa mga away at tampuhan sa bahay, tungkol sa mga crush na may ibang nagugustuhan. Kung saan may party at outing, hindi pupunta ang isa kung ayaw ng isa. Minsan, hindi pinayagan si Myzlie ng kanyang Mama na pumunta sa birthday party ni Yrah, isa ring kapitbahay. Pero nang matiyak niyang ang kanyang mga magulang ay nagpapahinga na sa loob ng kanilang kwarto at ang kanyang kapatid at yaya nito ay tulog na rin, dali-dali siyang nagbihis at dinaanan ako sa bahay. Natuloy kami sa party at talagang nag-enjoy. Mag-aala-una na nang maalala naming umuwi. Si Myzlie ang una naming inihatid. Papasok na lamang siya sa gate nang mabulabog ang nahihimbing nilang aso. Nagkagulo sa bakuran ng mga Marquez. Muntik nang mabaril ng kanyang Papa si Myzlie dahil napagkamalan itong magnanakaw. Ang resulta, dalawang linggo kaming naghati sa allowance ko.

Nasa ikaapat na taon na kami noon sa sekondarya. Ilang buwan na lamang at magtatapos na kami. Pangarap ni Myzlie na maging isang tanyag na newscaster sa radyo at TV katulad ng kanyang idol na si Korina Sanchez. Samantalang ako, hilig ko naman ang pagsusulat ng mga kwento at tula na siyang nag-udyok sa akin upang kumuha ng journalism. Naipangako naming sa isa’t-isa na kahit hindi na kami magkaklase pagtuntong sa kolehiyo at anuman ang mangyari, mananatili pa rin kaming matalik na magkaibigan.

Hanggang maganap ang isang pangyayaring naging daan upang mapatunayan ni Myzlie kung gaano kalalim ang pagpapakahulugan niya sa salitang “kaibigan”.

Setyembre noon, buwan ng tag-ulan. Pasado alas singko na ng hapon nang matapos ang exam namin sa physics. Talagang nahirapan kaming lahat sa problem solving tungkol sa temperature and expansion. Paglabas namin sa eskwelahan niyaya ko si Myzlie na magmiryenda sa paborito naming snack house. Halos kalahati pa lamang ang nauubos sa inorder naming ice cream nang biglang magdilim ang kalangitan at bumuhos ang pagkalakas-lakas na ulan. Hinintay naming tumila ang ulan ngunit alas siyete na ng gabi’y umuulan pa rin. Niyaya ko na si Myzlie na lumabas ng snack house at mag-abang na kami ng masasakyan. Ngunit kakaunti na lamang ang mga dyip na bumabyahe at puro puno pa ang mga ito kaya’t hindi kami agad nakasakay. Ang masaklap pa’y wala kaming dalang payong; tiyak na maliligo kami sa ulan. Ipinasya na lamang naming sumakay sa isang taxi na huminto sa tapat namin. Habang daan pauwi, malakas pa rin ang ulan, madulas at madilim ang highway. Mag-aalas otso pa lamang ngunit halos wala nang sasakyang dumaraan. Bigla na lamang tumigil ang taxing sinasakyan namin. Nagkadiperensya raw ang makina, sabi ng mamang driver sabay baba upang tingnan ito at ayusin. Nagsisimula na kaming kabahan ni Myzlie. Baka nag-aalala na ang mga magulang namin. (Kung bakit kasi hindi pa nadiskubre ang cellphone at text noon.)

Nagulat na lamang ako nang biglang may humatak sa akin pababa sa taxi at tutukan ako ng patalim sa leeg. Ang driver ng taxi, may hayok na ngiti sa labi at nanlilisik ang mga mata! Nagpanic ako at hindi ko alam ang gagawin. Hindi ako makasigaw dahil sa patalim sa aking leeg. Ngunit si Myzlie ay hindi nawalan ng loob. Sinunggaban niya ang driver at nakakalas ako sa pagkakahawak nito. Silang dalawa’y nag-agawan sa patalim, hanggang isa sa kanila’y napahandusay. At nagsanib ang ulan at dugo sa nakabulagtang katawan. Ang malakas na ulan… saksi sa kabayanihan ng aking dakilang kaibigan. Isinugod si Myzlie sa ospital ngunit hindi na siya umabot pa….

Hayan na, nagsisimula nang pumatak ang ulan kasabay ang mga luhang masaganang umaagos sa aking mga mata. At sa pagpatak ng ulan, naalala ko ang mga salitang huling namutawi sa mga labi ni Myzlie: “Sino man ay handing ialay ang kanyang buhay para sa isang kaibigan. Ngunit hindi lahat ay nagkakaroon ng kaibigan na karapat-dapat pag-alayan ng buhay….”

Kahit sa pagtila ng ulan, hinding-hindi kita malilimot Myzlie….

1 comment:

  1. huhuhu.....i was teary-eyed after reading this... i hope it's only fiction because you wrote it as if it is a true story! very convincing piece of work! madrama rin kasi ako!

    ReplyDelete