Pages

Monday, March 1, 2010

Kahon ng Pasalubong Para Kay Neneng

ni Chary Lou Navarro-Defante




Tuwang ‘di maipinta
Ang sumilay sa musmos na mukha
Ng bunsong si Neneng
Nang marinig niyang
Si Nanay niya
Darating mula sa Singapore.

Nakikita ni Neneng
Si Nanay niya pababa ng eroplano
Bitbit-bitbit ang kahon ng pasalubong
Para sa kanya.

At dumating din sa wakas
Si Nanay ni Neneng
Ngunit ang kahon ng pasalubong
Hindi niya bitbit.

Bagkos
Si Nanay ni Neneng
Nasa loob ng kahon
At siyang binibitbit
Pababa ng eroplano.

(Para sa alaala ni Flor Contemplacion)

Published in:

-Home Life
March, 1996

-Mantala 3 (An Anthology of Phil. Lit)

Ang Ukit


by chary lou navarro-defante




Dapithapon…
isang nilalang
may luha sa mata
nag-ukit ng kanyang kabiguan
sa pisngi ng buhangin.

Bukang-liwayway...
bumalik siya
may ngiti sa labi
hinanap ang kanyang ukit

Wala na…
nabura na ng alon.

Published in Home Life
February, 1995